Isang Pasalaysay na Tula
Halimbawa ng Tula na may Tugma
Si Matandang Simeon |
ni: Tess C. Alikapala
Gumising sa umaga,
Nag-inat-inat muna,
Nagpatulak ng sigla,
Sa kapeng walang lasa.
Magpapawis maghapon
Itong si Tandang Simeon,
Siya ay isang piyon,
Sa isang konstruksyon.
Kanina’y nagbaon
Ng kanin sa dahon,
Ulam na talong,
Wala man lang bagoong.
Nagmeryenda siya
Ng buntunghininga,
Walang laman ang bulsa
Kahit na barya.
Nilunok ang laway,
At saka dumighay,
Dagling nanlupaypay,
Sa lasa’y naumay
Palad na makalyo,
Ipinahid sa noo,
Upang matuyo
Ang pawis at dugo!
Kahit ang daliri
Nginig na madali
Pinilit ngumiti,
At gumawang mabusisi.
Sa oras ng uwian,
Paghudyat ng orasan,
Naglalakad lamang,
Pauwi sa tahanan.
Mata’y ipinikit,
Nagdasal ng saglit,
Pagal na sa lupit,
Sa abang sinapit!
Sasalubong ang anak
At ang kabiyak,
Ngingiti siya sa galak
At saka hahalakhak!
At napapawi na
Ang pagod at dusa
Galak ang pamilya
Karugtong ng hinga.
Kakayanin ang buhay
Sarili ang alay
Pamilya ang saklay,
Saksing kaagapay.
At sa kinabukasan
Muling ipapasan
Mga krus sa daan
Sa lubak ng bayan.
Ipupuhunan na naman
Ang mga buto at laman
Upang may mailaman
Sa kalam na tiyan!
Si Matandang Simeon - Filipino poem ni Tess C. Alikpala - halimbawa ng tulang pasalaysay.
Previous Posts:
• Sintang Pagkakaisa Isang Tulang Tagalog
• Tagalog na Tula sa Tuluyan
• Tula sa Filipino Si Ana Manila
2 comments:
its a nice poem
its so long
Post a Comment