Filipino Poem About Childhood Memories
Halimbawa ng Tagalog na Tula ng Isang Pagbabalik-tanaw sa Kamusmusan
![]() |
Credit: http://definitelyfilipino.com/blog/2012/04/22/alaala-ng-kahapon/ |
Alaala ng Nakaraan
ni: Naty Martinez
Mga nakaraang kay sarap balikan
Masasayang araw noong kamusmusan
Akala mo lagi walang katapusan
Kaligayahan ay di na mapaparam.
Sa may tabing-dagat, kami'y naglalaro
Buhanging kay puti paa'y tinatago
Para bang ang lungkot doon ay kay layo
Paraisong tunay wala ng siphayo.
Doon ay may tulay na dinadaungan
Ng mga sasakyan na galing sa guiuan
Yari man sa kahoy matibay din naman
Sapagka't binuo sa pagtutulungan.
Dito rin sa tulay ay merong rituwal
Lalo't bakasyon ng mga kabataan
Pagkakatapos ay tinutulak nalang
Libre na sa langgas wala ng gamutan.
Ang tubig sa talon pagkaganda-ganda
Sa tuwing maliligo doon nagpupunta
Mga taga baryo doon naglalaba
Sagana sa tsismis pagkasaya-saya!
Pag naiisipang kumain ng buko
Yakag ang barkada sa niyugan ang tungo
Bitbit ang asukal,itak at kutsilyo
Doon maghahanap aakyating puno.
Pagkasaya-saya ng buong barkada
Panay na babae pag-akyat di kaya
Pinipilit pa ring umakyat ang isa
Hanggang magtagumpay buko'y malaglag na.
Madalas mangyari ay puro tawanan
Pag bukong napitas wala palang laman
Aakyat na muli kahit magasgasan
Bukong ninanasa dapat na matikman.
Ang masaklap nito pag-uwi sa bahay
Baka may pamalo na hawak si nanay
Yon palang asukal na aming tinangay
Panghalo sa suman ang sabi ng tatay.
Di baleng mapalo nasiyahan naman
Nakaw na asukal kay tamis din naman
Barkadang kay kulit na napagalitan
Nagkatinginan lang at nagkatawanan.
Pagka sarap-sarap na balik-balikan
Mga karanasan noong kamusmusan
Dulot na ligaya di kayang pantayan
Lalagi sa isip kahit tumanda man…
Iba pang Tula ni Naty Martinez
Tula Tungkol sa Kalikasan
Tula Para sa Lolo at Lola
Isla ng Homonhon Read more...