Tagalog na Tula sa Tuluyan
Tula Tungkol sa Pagbabagong-Buhay
Ang tula sa tuluyan sa Pilipinas ay tinatawag din naman na free verse sa wikang English. Ang uri ng tula na ito ay hindi nagbabatay sa sukat (metering) o tugma (rhyme). Ngunit sa gitna nito, kinakailangan pa rin na magkaroon ng porma (form) at sining (poetic art). Ang tula sa tuluyan ay pangkaraniwan nang ginagamit ng mga makata upang maihatid sa kanilang mambabasa ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng malayang taludturan.
PAGBABAGO
ni: Nene Cristobal
(Tungkol sa Makata: Isang maybahay at ina ng tatlong anak na ang libangan ay ang gumawa ng tula habang nasa bahay. Mahilig ding magluto at makinig ng tugtugin sa radio.)Sa tigang na lupa,
Ipapatak
ang luha ng langit,
Sa bitak ng bukid,
Ibubuhos,
ang dusa ng dibdib.
Matitighaw ang uhaw
Ng pagdaralita,
At pagdurusa
Sa ligayang tunog,
Ng kulog
Na bubusog!
Mapapawi ang pagkatuyot ng labi
Ng pagkatao’t sarili,
Na lugami
Sa pagsisisi
At lalagi sa diwa
Pagbabago ng budhi.
Babasain ng mga patak,
Ang init at alab
At hihintayin ang aliwalas,
Ng langit,
At ang sakit
Na naitatak ng lupit.
Upang matanaw
Ang bahagharing nakaguhit
At nakaukit,
Sa dilim ng parisukat
Na mundong may lamat,
At hindi nasusukat!
Babangon ang lamig
Sa ligalig
Upang masakop
Ng halakhak,
Hindi ipagkakait
Pagkat sabik…
Pagkat sabik!
Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:
Ipinadarama ng sumulat ng tagalog na tula kung paano niya ibig na magbago ng buhay upang makita niya ang liwanag. Nais niyang ipadama sa kanyang tula ang pagnanais na maging daan din naman sa pagbabago ng ibang tao at matulungang makabangon sa mga pagdurusa.
4 comments:
salamat po!
Thank you po
Y?,
ano yari sa u?
gawa po ng tulang malaya
Post a Comment