Inuulit na Tugmaan sa Taludturan
Halimbawa ng tula sa Pilipinas na may inuulit na salita sa bawat taludtod. Ito ay paglalarawan sa mga out-of-school youth na nagkalat sa kalsada ng ating bansa na tila nalilihis ng landas na nilalakaran. Ang tula ay mayroon ding sukat (lalabindalawahin) sa mga taludtod at tugma (rhyme) sa huling bahagi ng linya na siyang nagpaangat ng kahalagahan (essence) ng bawat saknong.
BUSABOS
ni: Kiko Manalo
Baku-bakong pait ay sininghut-singhot
Inamuy-amoy n’ya’t nagkalimut-limot.
Ang utak na wari’y buslong lusut-lusot,
Ay tila pisi ring nagkalagut-lagot!
Hinugot-hugot ng pagkagaling-galing,
Ang buntung-hiningang pagkalalim-lalim,
Malayong-malayo tumitingin-tingin,
Itong mga matang nagkaduling-duling!
Pumikit-pikit pa, nagpalingun-lingon
Hanggang doon lamang nagkabaun-baon
Sa gitna ng lungsod - parito’t paroon
Doon saka dito nangagtipon-tipon.
Nagkagulo-gulo’t nagkasira-sira
Pangarap at ngiti’y nagkagiba-giba,
Ngunit sa lansanga’y pagkatuwa-tuwa
Nagpalabuy-laboy, nagpagala-gala!
Ngayon ay tulalang hinihintay-hintay
Oras-katapusang pagkahusay-husay
Nais nang wakasan, mga buhay-buhay,
Dulung-dulo sana nang lumubay-lubay!
• Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas
1 comments:
Ang galing :))
Post a Comment