Tula Para sa mga Pinoy
Pagsubok
ni: Cruz Luis Tampiong
Mag-agahan tayo ng buntung-hininga,
Higupin ngayon din, ating pagdurusa,
Gawin nating kape dito sa umaga
Mga butil ng luha at mga litanya.
Papakin ninyo ang mga pangamba
Na bukas uulit ganitong eksena,
Ilagay sa plato ang lahat ng dusa,
At manatili ka sa umuugang mesa!
Inyong tanghalian ay salat na pangarap,
Nagkulang sa kulay hindi nagkapalad,
Isabaw sa bahaw ang luhang pumatak,
Ipagharimunan pagkat hindi sapat!
Igisa sa mantika ang salat na pag-asa,
Kulang na kulang ba o walang natira?
Napipi’t nabingi - lungkot na ligaya,
Isusubo mo rin o iyong iluluwa?
Naglupasay naman para sa hapunan
Ang maraming hukay doon sa kanluran,
Dikit-dikit lagi ang pangangailangan,
Gutom mapapawi, lilipas din naman.
Isahok sa pait ang pangungulila
Gawing panghimagas ng gutom na sikmura,
Tamis na nalimot pati na sustansya
Lasapin ng dila, walaing bahala!
Ngunit kung kikilos ngayon saka bukas
Hindi magkukulang walang pagkamalas,
Kapalarang tuwid tiyak na lalabas
Patag na kalsadang hindi na madulas!
Sa hapag ng laban, magsikap manalo,
Bungkalin ang buhay saka iararo,
Upang mga sakit ng pagkasiphayo,
Mamatay sa putik at diwang matalo!
• Maikling Tulang Pilipino
• Tula Tungkol sa Pag-ibig
• 12 Pantig
4 comments:
thanks!!!
what a wonderful poems for filipino
what a nyc poem
anyamutten ....awan payy..sab sabali mt gamin t isung sungbat u...!!!jajajaj
Post a Comment