Tulang Filipino para sa mga Lolo at Lola
"Dapat lamang na ibigay ang nararapat na pagkalinga sa ating mga lolo at lola. Ang pagmamahal na hinahanap-hanap nila at ang pagtingin buhat sa atin na kanilang pamilya ay isang marangyang kayamanan at sapat na upang maging malaon pa hanggang sa susunod ang kanilang mga buhay.
Lolo at Lola |
Hindi sila naghahangad ng maraming yaman o salapi ngunit kaipala’y nag-iibig lamang na maramdaman sa dapit-hapon ng kanilang buhay ang pagmamahal at pagmamalasakit. Huwag nating ipagkait sa kanila ang buhos na pag-ibig at pagkalinga sapagkat ito ay marapat lamang na gawin upang tumanaw ng utang na loob sa kanilang marikit at dakilang pag-ibig na iniukol sa atin. Basahin ang isang tagalog na tula para sa ating mga lolo at lola."
Buhay Sa Piling ng Lolo at Lola
ni: Naty Martinez
Kay sarap ng buhay ng isang dalaga
Lalo na't lumaki sa lolo at lola
Anumang naisin agad ay meron ka
Pagka't ika'y ginto sa paningin nila.
Ayos lang ang buhay kahit di gumawa
Bihis lang nang bihis di ka naglalaba
Di ka nagluluto pagkai'y nandyan na
Dudulog ka nalang pagka't may hain na.
Kay sarap kumain taas pa ang paa
Di ka nang-aalok pagka't huli ka na
Napag-iwanan ka sila ay tapos na
Pagka't kung gumising naku tanghali na!
Pag dumarating na ang mga pistahan
Damit na maganda sadyang kailangan
Di na tinatanong kung gusto ay ilan
Tiyak ibibili tatlo o apat man.
Nguni't pag may hiling at di napagbigyan
Agad magmamaktol di na mautusan
Papasok sa silid magkukulong na lang
Pag-amo sa kanya ang syang aabangan.
Ito namang lolo at itong si lola
Sa tampo ng apo takot na takot na
Agad kakatukin pinto ng silid nya
Tuloy aamuin nang tampo'y mawala.
Kay sarap magmahal ng lolo at lola
Lahat ng layaw ay ibibigay nila
Itong kasabihan naku totoo nga,
Mas mahal ang tubo sa puhunang punla..
Kaya't pag tumanda at may apo ka na
Iyong pagmamahal dapat ipadama
Lagi mong isiping ang lolo at lola
Nag-aruga sa iyo n’ung ika'y bata pa.
Tula ni Naty Martinez:
• Isla ng Homonhon
6 comments:
galing naman ng tula. bihira ang nag-aalay sa mga lolo at lola. Mabuhay ka.
Maraming salamat Claire,nagawa ko ang tula na yan kasi ganyan ako pinalaki ng lolo at lola ko pero di ako lumaking spoiled.Ang babait nila,ni minsan di ko sila nakitang nagkagalit kaya ginawa ko silang huwaran. Lola na rin ako ngayon at bilang pagpapasalamat sa kanila ginagawa ko rin sa mga apo ko ang ginawa nila para sa akin nung ako'y bata pa.
3rd Stanza. CJamolin, sthatchu? HAHAHAHAHA ^___^v
Thank you very much Claire...happy to know you liked it.
Nakakatouch naman.. Hehehehe
Nakakatouch sobra
Post a Comment