Welcome to Halimbawa ng mga Tagalog na Tula!

Ang blogsite na ito ay naglalaman ng mga halimbawa ng mga tagalog na tula ng aming mga kaibigan. Maraming salamat sa pagbisita at sana'y naging makabuluhan ang inyong pagdalaw.
Notice:

Please see our SITEMAP to browse all tagalog poems and their respective authors/contributors. Thank you!

SHARE THIS!

Thursday, June 23, 2011

Tula na Tungkol sa Pasasalamat sa Diyos

Tagalog na Tula na May 12 Pantig sa Bawat Taludtod

Isang uri ng tagalog na tula na panalangin sa Diyos. Ang halimbawa na ito ay may sukat at tugma na alay, pasasalamat at dasal ng makata sa ating Panginoon. Ito ay maaaring gamitin sa proyekto sa Filipino.

PASASALAMAT
ni: Kiko Manalo

(Isang college student sa BSU. Kung walang klase madalas siyang makikita na gumagawa ng tula sa ilalim ng isang punongkahoy.)
Salamat, Ama ko, sa mga nagdaan!
Pinagtibay akong tila sa kawayan,
Alin mang unos at bagyong nakalaan,
Ako’y lumiwanag, walang kadiliman!

Patawad naman po, O, Dakilang Bathala,
Sa imbay ng aking pagiging masama,
Aking karupukan, sa tukso’y mahina,
Pinagsisisihan aking naging sala!

Naninikluhod, sa iyo’y nananangis
Tuloy mo lang sana, iyong paghuhugis;
Patawad sa lahat ng aking mga dungis
Patawad sa aking pagiging malihis!

Ang kariktan mo’t iyong luwalhati,
Aking iningatan sa libot ng dumi,
Pagyayamanin ko iyong mga buti,
Ako, pagkat tao, iyong pag-aari!

Daing ko rin naman sa iyong paanan,
Pagtibayin ang aking mga kahinaan,
Bigyan mo ng sapat na diwa’t katatagan
At likas na ipunla mga kabutihan!

Papasakop ako sa iyong mga utos,
Magiging matatag sa lahat ng ulos
Aking ilalagay sa puso ko’t kilos
Ako’y anak mong sa aral ay lipos!

Sa araw at gabi’y magpupuri sa iyo
Walang hangganan mo’y dadakilain ko,
Sa inog ng mundo, sa buhay kong ito
Ikaw lamang Ama! Hindi ang demonyo.

Hanggang dito na muna ang aking pag-usal,
Salamat na muli sa aking pag-iral,
Idinadalangin, ipinagdarasal,
Sa pangalan ng anak mo: si Hesus na mahal!

Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:

HINDI AVAILABLE

Read more...

Isang Tula sa Malayang Taludturan

Halimbawa ng Isang Tula sa Malayang Taludturan

Madalas gamitin ang malayang taludturan o tula sa tuluyan ng mga makata upang maipahayag sa madamdaming pagsulat ang mga nasa puso at isipan. Inampon na rin ang gawaing ito sa ating bansa partikular na ang mga kabataan na mahilig sa tula at nagnanais na maging makata.

MALAYA AKO SA MGA PANGARAP
ni: Cruz Luis Tampiong

(Nag-aaral sa Gen. T. de Leon National High School. Pangarap niyang maging isang sikat na makata sa hinaharap na panahon at maging isang kilalang manunulat ng mga tula sa tagalog gayundin sa malayang taludturan.)
Nangangarap ng dilat;
Ngunit walang unawa
Walang diwa,
At hindi masalat…
Hindi makatulog
Hindi makadulog
Pagkat walang maaninaw,
Hindi makasingaw
Ang mga pangitain
At ang mga mithiin.

Dito na lang sa sulok
Sa ibaba ng rurok,
Sa langit ibinabato,
Sa taas inihihiyaw
Sa alapaap isinisigaw
Ang sibat ng dasal
At purol ng punyal
Dito…
Na wala naman yatang
Nais sumalo!

Narito sa pait na hapit
Kapiling ang mga haliparot
na pangarap at sakit
Ang mga maharot at malikot
Na sustansyang wala
Sa sulok ng bulsa
Pagdurusa ang tanging
Sa tuwina’y kapiling
Sanhi marahil
Ng kasalanang hilahil.

Ngunit may pag-asa,
At may ligaya
Hindi laging luha at dusa
Ang sukli sa hamon
Ng kahapon
Sa hukay ibabaon
Mararanas din ang anas
Ng bukas
Hatid ng sikap na pumalag
Sa magdamag.

At baka dito sa sityong ito
Baka narito
Ang daan sa kaliwang bahagi
At sa kanang pagmumuni-muni,
Baka narito
sa kalsadang mabato
Ang buhay…
Ang ligaya…
Ang saya…
Ang tuwa!

Baka narito sa dulo
Ang ngiti,
Ang halakhak
Na may lalim
Na payak
Hindi gaya ng paghamak
Sa mundong lubak-lubak
Na libre sa mga naglalakbay
At ayaw maglubay
Sa luksong-tinik ng buhay!

Bukas bubukas ang bukas na katuparan
Ng lahat ng pintuan ng langit
Indayog ng tagumpay
Makakamit hindi ipagkakait
Mararating ang ibig marating
Sa tulong ng hiyaw ng sarili
Na kasama ang bulong

Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:

Naglalarawan ng madamdaming pagnanais na maisakatuparan ang mga pangarap. Ang makata, bilang isang mag-aaral, ay ibig na ibig pumasok sa isang larangan na hindi niya maisip kung siya ay magtatagumpay. Isang halimbawa ng malayang taludturan o tula sa tuluyan sa wikang Filipino o Tagalog.

Read more...

Wednesday, June 22, 2011

Tagalog na Tula Tungkol sa Kabataan

Tula na May Tugma ngunit Walang Sukat

Isang halimbawa ng isang tula na may apat na taludtod sa bawat saknong. Malayang taludturan din maituturing sapagkat ang bawat taludtod ay sinadyang walang sukat ngunit matibay na nailahad ang ibig na sabihin ng makata. Ang tagalog ay mayaman sa mga salitang maaaring gamitin upang maiparating ng isang tao ang kanyang nasa sa loob ng mainam at nasa tugmang mga salita.

KABATAAN
ni: Tess C. Alikpala

(Ang kabataan niya ay halos ginugol sa pagsusulat ng tula at ngayon ay gumagawa pa rin ng paraan upang gumawa sa kabila ng kanyang mga trabaho at gawain bilang isang call center agent, isang kaibigan, isang ina at isang asawa.)
Nakatunganga,
Nakatulala,
Nangangalumata,
May tamang hinala.

Nagmumuni-muni,
Wala naman sa sarili,
Tumatawa, tumitili,
Iiyak pa nang kaunti.

Nasa sulok,
Nagmumukmok,
Baril nakasuksok,
Maya-maya’y mag-aamok.

Nasirang bait,
Pagkatao ang kapalit,
Saka pumipilipit
Alipin ng lupit.

Hindi makatulog,
Walang antok,
Pagkat lugmok
Napakarupok.

Ginawang sandata
Ang bisyo at droga,
Walang pagsala
Buhay nasira.

Kawawa…
Nagpakasira…
Hindi pinagana…
Ang puso at diwa!

Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:

Maraming kabataan ang naligaw ng landas at inilarawan sa mga saknong ng tagalog na tula ng ito. Inilahad ng makata ang kanyang obserbasyon sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon na nalulong sa iba’t ibang halimbawa ng mga bisyo at masasamang kaugalian.

Read more...

Tagalog na Tula sa Tuluyan

Tula Tungkol sa Pagbabagong-Buhay

Ang tula sa tuluyan sa Pilipinas ay tinatawag din naman na free verse sa wikang English. Ang uri ng tula na ito ay hindi nagbabatay sa sukat (metering) o tugma (rhyme). Ngunit sa gitna nito, kinakailangan pa rin na magkaroon ng porma (form) at sining (poetic art). Ang tula sa tuluyan ay pangkaraniwan nang ginagamit ng mga makata upang maihatid sa kanilang mambabasa ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng malayang taludturan.

PAGBABAGO
ni: Nene Cristobal

(Tungkol sa Makata: Isang maybahay at ina ng tatlong anak na ang libangan ay ang gumawa ng tula habang nasa bahay. Mahilig ding magluto at makinig ng tugtugin sa radio.)
Sa tigang na lupa,
Ipapatak
ang luha ng langit,
Sa bitak ng bukid,
Ibubuhos,
ang dusa ng dibdib.

Matitighaw ang uhaw
Ng pagdaralita,
At pagdurusa
Sa ligayang tunog,
Ng kulog
Na bubusog!

Mapapawi ang pagkatuyot ng labi
Ng pagkatao’t sarili,
Na lugami
Sa pagsisisi
At lalagi sa diwa
Pagbabago ng budhi.

Babasain ng mga patak,
Ang init at alab
At hihintayin ang aliwalas,
Ng langit,
At ang sakit
Na naitatak ng lupit.

Upang matanaw
Ang bahagharing nakaguhit
At nakaukit,
Sa dilim ng parisukat
Na mundong may lamat,
At hindi nasusukat!

Babangon ang lamig
Sa ligalig
Upang masakop
Ng halakhak,
Hindi ipagkakait
Pagkat sabik…

Pagkat sabik!

Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:

Ipinadarama ng sumulat ng tagalog na tula kung paano niya ibig na magbago ng buhay upang makita niya ang liwanag. Nais niyang ipadama sa kanyang tula ang pagnanais na maging daan din naman sa pagbabago ng ibang tao at matulungang makabangon sa mga pagdurusa.

Read more...

Isang Halimbawa ng Tagalog na Tula

Halimbawa ng Tula sa Tuluyan

Ano ang tula sa tuluyan? Magbigay ng isang halimbawa sa tagalog. --- Sa simpleng paliwanag, ang tula sa tuluyan ay isang uri ng panitikan sa Pilipinas na paglalahad ng tula sa pamamagitan ng tuwiran o malayang taludturan na hindi kinakailangan ng sukat o tugma sa anumang bahagi ng akda. Ito ay nagtataglay ng madamdaming paglalarawan ng anumang tema na may kahalintulad sa isang sanaysay. Ngunit upang maiba naman sa sanaysay/essay, ang tula sa tuluyan ay kailangang magtaglay ng madamdaming kaisipan upang hindi mawalan ng gana ang sinumang bumabasa. Narito ang isang halimbawa ng isang tagalog na tula sa tuluyan.

NASA KANYANG MGA KAMAY
ni: Jerome Apilla

(Tungkol sa makata: Isang 4th year high school student na nais ibahagi sa iba ang kanyang mga tagalog na tula. Kasalukuyang nakatira sa Pililia, Rizal, Philippines kasama ang kanyang mga magulang.)
Nagsisigaw sa bangketa
ng kalsada,
ang mga saksi
sa pangyayari.

Labas pati litid
na tila mapapatid.
Ngunit tila mapait,
Hindi kasi alam kung bakit.

Mapula ang dumanak na dugo
Ng pinatay na tao
Kasing tingkad din kaya
Ng kaniyang kaluluwa?

Naglakad lang sa kaye
Ang bumaril na lalaki
Tila namamasyal lamang
Sa gitna ng kawalan.

Binayaran siya
Ng barya-barya.
At binigyan din naman
Ng mga dahilan.

Upang labanan
Ang kalaban,
At para ituring na kalaban
Ang hindi naman niya kalaban
Kundi kalaban ng bayan.

Paliwanag o Paglalarawan ng Tagalog na Tula:

Sa mga saknong, madarama ang kasamaan sa isang kapaligiran. Makikita rito ang madalas na krimen at mga malalagim ng pangyayari na sukat ikabigla ng mga karaniwang mamamayan. Pinaigting ng makata ang imahinasyon ng bumabasa sa pamamagitan ng isang tagalog na tula sa tuluyan at pinaikot niya sa kanilang isipan ang mga tunay na kaganapan sa isang lipunan.

Read more...

    ©   Halimbawa ng mga Tagalog na Tula All Rights Reserved 2009

Back to TOP